Ang mga laman daw ng bag mo at kung paano ito nakaayos ay repleksyon kung pano ang buhay mo.
Ang bag ko ay punung-puno ng mga piraso ng nakatiklop na papel, mga resibo at tiket galing kung saan-saan.
Ganun nga rin siguro ang buhay ko--punung-puno ng mga lumulutang na ala-alang hindi ko mapakawalan. Punung-puno ng mga ala-alang madalas ay naibubulalas ko nang hindi ko namamalayan.
Sabi ni Lala, isang malapit na kaibigan: kapag naglinis ka ng bahay, ang mga hindi kailangan ay dapat itapon at ang mga gustong kalimutan ay dapat ikahon.
Ganun daw ang buhay. At sa pagtatagpi-tagpi ng mga pangyayari, naintindihan ko na rin ang hiling ni Lala at ng iba pa para sa akin.
Unti-unti ko na raw sanang pakawalan ang mga piraso ng tiniklop na papel, mga resibo at tiket sa loob ng bag ko. Dadating din daw ang panahon na hindi ko na mapapansin na wala na ang mga bagay na 'to. Dadating din daw ang panahon na ako'y makakalimot. Pero para mangyari iyon ay kailangan ko munang magkahon.
Kapag nailagay ko na kasi sa mga tamang lalagyan ang mga nagkalat na piraso ng tiniklop na papel, mga resibo at tiket sa bag ko ay dun lang ako magkakaron muli ng lakas ng loob at linaw ng pag-iisip.
Lakas ng loob para tumalikod at linaw ng pag-iisip para mag-ipon muli ng mga piraso ng tiniklop na papel, mga resibo at tiket.
Mga piraso ng tiniklop na papel na puno ng sulat tungkol sa kung anu-anong bagay na nagbigay sa akin ng antisipasyon, galak o anumang emosyon na sa bilis ng kaganapan ay kinailangan kong isulat kaagad para wag makalimutan.
Mga resibo at tiket na nagpatunay ng mga napuntahan at napagdaanan. Maaring yung iba kasama ka, yung iba naman para makalimutan ka. Mula sa kape sa starbucks at sundae sa mcdo hanggang sa tiket ng bus o kaya pelikulang maaring hindi ko makalimutan.
At sa mga pagkakataong susunod, ako naman ang hihiling na hindi ko na kailanganing magtapon at magkahon.
Dahil sa mga pagkakataong susunod, hindi ko na maiiwasang humiling ng kahati sa pagtago at pag-ipon ng mga piraso ng tiniklop na papel, mga resibo at tiket.



Reply With Quote
