Flash flood sa Davao City, 19 katao patay; 5 pa nawawala
Umabot na sa 19 katao ang kumpirmadong nasawi sa naganap na flash flood sa Davao City nitong Martes ng gabi dahil sa biglaang malakas na buhos ng ulan.
Sa News TV Live ng GMA News TV 11 nitong Miyerkules ng tanghali, iniulat na 15 sa mga nasawi ay nakilala na. Limang iba pa ang patuloy na hinahanap.
Sa ipinatawag na press conference ni Davao City Mayor Sarah Duterte, pinayuhan nito ang mga residente na nakatira sa mga mababang lugar na lumikas kapag nagkaroon muli ng pag-ulan at tumagal na ng 30 minuto.
Dahil sa naturang pagbaha, 40 na bahay umano ang nawasak, at tinatayang 15,000 katao ang apektado.
Magpapatawag naman ng pulong ang Konseho ng lungsod para isailalim sa state of calamity ang apat na barangay. Kasabay nito ang pag-apruba sa P40 milyong calamity fund para magamit sa pagtulong sa mga biktima ng baha.
Sa naunang panayam, sinabi ni Duterte na ang mga barangay na matinding naapektuhan ng pagbaha ay ang Matina Pangi, Matina Crossing, Matina Aplaya, at Talomo.
Nitong 9 a.m., sinabi ng alkalde na gumanda na ang panahon at nawala na ang baha sa ilang lugar.
"Nag-call off kami ng search-and-rescue sa apektado ng baha dahil bumaba ang tubig at ang iba bumalik sa bahay except those nawalan ng bahay dahil sa tubig baha. Ang nawalan ng bahay estimated 40 families as of this hour," pahayag ni Duterte, anak ni Rodrigo Duterte, vice mayor ngayon ng lungsod.
Ikinuwento naman ni Raul Tolibas ng dzBB radio Davao, residente sa lungsod, na kasamang nalubog sa baha ang National Housing Authority (NHA) Subdivision, Bangkal, at Flores Villages.
"Ang tubig 8 feet ang lalim," aniya. "Rescuers did not allow us to get near the flooded areas. The floods also left vehicles to be stranded along the highway there."
Paliwanag ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), hindi bagyo kundi inter-tropical convergence zone ang nagbuhos ng malakas na ulan sa lugar.
"Dala ito ng [intertropical convergence zone] ITCZ na nakakaapekto sa Mindanao," ayon kay PAGASA forecaster Rene Pamil sa panayam ng dzBB radio.
"Mindanao will experience mostly cloudy skies with scattered rain showers and thunderstorms becoming cloudy with widespread rain over Northern and Eastern Mindanao which may aggravate flashfloods and landslides," paalala sa abiso ng PAGASA nitong Miyerkules ng umaga. --
FRJ, GMA News