It's time to explore & collectively fight for another viable & doable alternative!
Sosyalismo ang alternatibo sa kapitalismo
Source
Umaabot na sa 5.3 milyon katao o 10% ng kabuuang pwersang paggawa ang nawalan ng trabaho sa US. Sa Japan, umaabot ito sa 330,000 at sa India, kalahating milyon nitong unang apat na buwan pa lamang ng 2009. Sa Pilipinas, tinatayang umabot na sa 600,000 ang nawalan ng trabaho nitong kalagitnaan ng taon.
Ilan lamang ito sa matitingkad na palatandaan ng pinakamatinding krisis pang-ekonomya at pampinansya mula noong Great Depression na bumabayo ngayon sa mga manggagawa at masang anakpawis sa buong daigdig.
Ang kasalukuyang krisis ay dagdag pa sa mabigat na pasaning binabalikat ng mga manggagawa at masang anakpawis bunga ng mga neoliberal na patakarang deregulasyon, liberalisasyon, at pribatisasyon na pumawi sa mga karapatang naipagwagi ng mga manggagawa, nagpataas sa mga buwis at mga presyo ng batayang mga bilihin at serbisyo at lalong naglugmok sa kahirapan sa milyun-milyong magsasaka.
Sa harap nito ay pumuputok ang mga aksyong protesta ng kilusang paggawa sa iba't ibang bahagi ng mundo. Isa rito ang matagumpay na anim-na-araw na okupasyon ng mga manggagawa sa Republic Windows and Doors sa Chicago, USA noong Disyembre 2008 na umani ng suporta mula sa mga kalapit na lunsod hanggang muli nilang napabukas ang planta. Nagkaroon din ng okupasyon sa mga pagawaan sa Ireland, London, at Canada. Sa France, tatlong milyong mamamayan ang nagprotesta noong Marso 19 para igiit sa administrasyong Sarkozy ang dagdag na sahod, trabaho at pagpigil sa pagtaas ng buwis. Samantala, sa Guadeloupe, isang isla sa Caribbean, nagtagumpay ang 44-araw na welga (Pebrero hanggang Marso 2009) ng mga manggagawa para itaas ang minimum na sahod.
Ang matitingkad na pagkilos na ito ay iniulat ng mga lider-manggagawa mula sa Asia, Europe, North America, Latin America at Africa na dumalo sa International Solidarity Affair (ISA) na ginanap sa Pilipinas nitong Mayo. Ang aktibidad na pinangunahan ng Kilusang Mayo Uno ay may temang "Labanan ang Imperyalistang Krisis, Pandarambong at Gera."
Tinalakay dito ng mga delegado ang mga isyu ng mga manggagawa ng daigdig tulad ng disenteng sahod, karapatan sa paggawa at patakarang neoliberal ng World Trade Organization at World Bank.
Nagkakaisa ring idineklara ng mga delegado na sosyalismo ang alternatibo sa kapitalismo. Anila, sa sosyalismo, tao, at hindi ang tubo, ang pinahahalagahan. Kaakibat nito ang planadong ekonomya at panunumbalik ng kontrol ng tao sa kani-kanilang buhay. Lilikha ng trabaho, edukasyon, kalingang pangkalusugan para sa lahat at itataguyod ang karapatang-tao. Kabilang dito ang pinakabatayang karapatan ng bawat isa na makilahok sa paghuhubog ng kinabukasan.