Disqualify Chavit!
Ang Pilipino STAR Ngayon 03/08/2007
Ipinapadiskuwalipika ng Genuine Opposition (GO) si Team Unity senatorial candidate Luis "Chavit" Singson matapos aminin nito na namudmod siya ng "cash prizes" sa campaign sortie ng partido ng administrasyon sa Misamis Oriental noong Sabado.
Sa isang press conference, sinabi ni GO spokesman Adel Tamano na malinaw na paglabag sa batas sa eleksiyon ang ginawa ni Singson na ang katumbas na parusa ay diskuwalipikasyon.
"Under the law, Singson’s act of giving raffle prizes is a basis for disqualification and Comelec has the power to motu propio disqualify candidates," ani Tamano.
Binigyang-diin ni Tamano na isang "illegal act" ang pamimigay ng pera ni Singson na huling-uli sa TV camera.
Sa panig ni Singson, iginiit nito na wala siyang nilabag na batas sa pamumudmod ng cash prizes. Anya, hindi siya bumibili ng suporta at nagmagandang-loob lamang siya na magpa-raffle sa isang kasiyahan sa nasabing lugar.
"Anong pakialam nila (GO), as long as I’m not bribing anybody I don’t violate any law," paliwanag ni Singson.
Nakatakdang ipatawag ng Comelec si Singson.