Maganda sana ang kwento ng buhay ni Manny Villar kaya lamang parang sumobra ang ganda. Namatay nga kaya ang ka*patid dahil wala silang pambili ng gamot? Lumangoy nga kaya sila sa dagat ng basura? Hindi nga mayaman ang pamilyang Villar noong bata pa si Manny, empleyado ng gobyerno ang ama – sa Bureau of Fisheries, ayon sa isang nakilala ang ama. Me ron itong nikeladong jeep at ang asawa’y merong negosyo na nagbebenta ng isda.
Lahat ng siyam na magkakapatid ay hindi dumaan sa public school kundi pumasok lahat sa pribadong eskwelahan. Papaano natin matatanggap na sila’y napakahirap?
Ayon din kay Villar, kung gusto niyang magpayaman, dapat harapin na lamang niya ang kanyang mga negosyo. Ngunit, ang nakakaduda sa kanya ay baka naman ginamit niya ang kanyang puwesto upang lalong paunlarin ang kanyang mga negosyo, gaya sa maraming taga-gobyernong merong sariling negosyo.
Wala namang matinding pruweba na ganito na nga ang nangyari. Ngunit, napakadali sa isang kongresista (at lalo na ang Speaker mismo) o senador na kausapin ang mga sangay ng gobyerno na pagbigyan ang kanyang mga kumpanya. Dahil sa mga natural na hinalang ganito ng mga Pinoy, mas magaling sana para kay Villar na sinagot niya ang mga bintang sa kanya tungkol sa C-5. Imbes, hindi siya nagpaimbestiga at ayaw humarap sa mga katanungan ng ibang senador tungkol sa tunay na nangyari.
Sa pananaw ng iba, kung walang pagkakasala, bakit ayaw humarap?
Ano ang pagkakaiba ni Villar at sa mga Arroyo na hindi rin sumasagot sa kahit anong pinupukol sa kanila at pinagbawalan ang mga taga-gabineteng sumagot sa mga imbestigasyon ng Senado at Kongreso? Ganoon din kaya ang iuutos ni Villar sa kanyang gabinete kapag siya na ang Pangulo?
Kaya dapat na sumagot si Villar at hindi nagtatago sa mga katanungan upang maliwanagan tayo sa ating pagpili kung sino ang nararapat nating maging pangulo.
Hindi dahil yumaman ka sa Pinas ay magaling kang magdala ng negosyo. Marami kasing mga negosyante na ginagamit ang mga nakapuwesto sa gobyerno upang magpayaman. Lalo na kung ang negosyante mismo ay mataas ang puwesto sa pamahalaan, napa kadaling makakuha kahit na anuman ang gusto mula sa anumang sangay ng pamahalaan.
Wala naman akong kinakampihan sa halalang parating, kaya lamang napapansin kong bumababa ang mga survey ni Villar at ang aking nakikita’y dapat sa senador ay magpaliwanag sa mga botante. Kung inaakala niyang dapat lang natin siyang paniwalaan kung anuman ang kanyang sinasabi, nagkakamali siya. Ang problema ngayon ni Manny Villar ay pinagdududahan na ang kanyang kuwento tungkol sa kung sino siya. Dapat na magpakilala siyang muli at hindi sa pamamagitan ng mga infomercial niya na pinagdududahan na nang karamihan.
Halimbawa, sino naman ang maniniwala sa pahayag ng aktor na hindi binayaran si Dolphy sa ginawa nitong pag-endorso sa kandidatura ni Villar.
Huwag maniwala sa matandang sinungaling.
source:
Abante Online