Kinumpirma ng isang overseas Filipino worker (OFW) mula sa Riyadh, Saudi Arabia ang Sexfor-fly" scheme ng ilang opisyal ng Philippine Overseas Labor Office (POLO).
Sa panayam ng DZMM, isiniwalat ng Pinay OFW na itinago sa pangalang "Michelle" ang "indecent proposals" sa kanya ng kanyang field officer at isa pang opisyal ng POLO sa Riyadh.
Matapos anya niyang tumakas sa amo dahil sa pagmamaltrato, napabilang siya sa mga runaway na humingi ng tulong sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh.
Pero imbes na tulungang makauwi ng bansa, inalok anya siya na magpagamit sa mga POLO officer para mapabilis umano ang kanyang proseso.
Partikular na ikinuwento ni Michelle ang alok sa kanya ng field officer.
"Maging ako po ay naniniwala (sa Sexfor-fly) kasi nga po isa rin nga po ako sa runaway at humingi ng tulong sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh pero hindi nagtagal ay inaalok na rin po ako ng hindi maganda, kung pwede raw po ako, kasi alam nila mahina po ako e so gusto nila na mag-take advantage sa 'kin. Syempre nangangailangan po ako ng tulong. Minsan, sasabihin sa 'kin na, 'Pwede ka ba?' Dire-diretso po e. Sabi ko, 'Sir naman.' Syempre ang sagot ko po 'yung hindi pabalang kasi ako po 'yung nangangailangan. Ang sagot ko po ay hindi halatang mao-offend siya."
"(Sabi niya), 'Kunwari ihahatid kita sa Bahay Kalinga pero kunwari lang 'yun, ididiretso kita sa bahay ko.' Nagulat po talaga ako na ganun 'yung sinasabi niya sa 'kin."
"Feeling niya talaga na mataas na mataas na opisyal po siya kasi alam niya papayag po ako e. Siya po kasi 'yung field officer ko."
Nilinaw ni Michelle na madalas lang silang magkausap noon ng POLO officer dahil ito ang kanyang field officer at sa kanya siya humihingi ng follow-up sa mga papeles.
"Siya po ang field officer ko. Kailangan ang bawat isa sa 'min ay nagkakaroon po ng field officer. Kaya nagkakaroon po kami ng time na magkausap lagi, sa kanya po ako nagpa-follow-up."
Bukod sa kanyang field officer, may isa pang opisyal na nag-alok ng "indecent proposal" kay Michelle.
"'Yung iba [may] indecent proposal at naniniwala rin po ako dun kasi 'yung iba pong naka-assign dun, ibang field officers tumuloy na sa 'min... Iba 'yung mga salita niya sa 'kin, bastos po kasi e."
Naniniwala si Michelle na ito ang mga dahilan kung bakit may mga nauuna at nahuhuling OFWs na makauwi ng Pilipinas.
Ibinugaw sa Egyptian
Nabanggit pa ng Pinay worker na ibinugaw din siya ng isa sa dalawang POLO officers na nag-alok sa kanya ng "indecent proposals."
Ibinugaw anya siya sa isang Egyptian na may-ari ng isang recruitment agency pero tumanggi siya.
Naawa naman anya sa kanya ang Egyptian kaya binilhan siya ng ticket pauwi ng Pilipinas.
"Hindi lang po narinig (ang pambubugaw), mismo ako rin po e (ibinugaw)."
"Umiiwas po ako tapos nung nakalabas na po ako... inabangan ko siya sa labas. Nagmakaawa ako, 'Sir, maybe you want me to go back because I have my daughter, Sir. Naawa naman po siya sa 'kin, sinabi niya, 'Okay, okay.' Mangiyak-ngiyak po ako."
Dahil dito, itinuturing ni Michelle na wala talagang naitulong sa kanya ang POLO sa Riyadh bagkus ay dayuhan pa ang nagmagandang-loob sa kanya.
Iba pang gawain ng POLO officers
Nabanggit ng Pinay na nagkaroon din siya ng pagkakataong makausap ang ibang Pinay worker sa Riyadh at makumpirma ang iba pang ilegal na gawain ng mga POLO officer, bukod sa sexfor-fly.
"'Yung iba (OFWs) nagbabayad daw sa field officer. Tapos 'yung iba, bibili ng ticket, 'yung mga ticket na iniisyu rin po sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ibinebenta ng ibang field officer."
Nasa 80 anya silang OFWs noon sa Riyadh at may limang POLO officers. *** at pera anya ang ipinaiiral ng mga opisyal.
Pagsasampa ng reklamo
Sa kabila ng naging karanasan sa Riyadh, hindi pa tiyak si Michelle kung magrereklamo siya sa OWWA o sa Department of Foreign Affairs (DFA) para umusad ang kaso laban sa mga opisyal.
Ito'y dahil nangangamba siyang hindi na makapagtrabaho sa ibang bansa, bagama't ayaw na rin niyang bumalik ng Saudi.
"Siguro po kailangan ko munang pag-isipan kasi po gusto ko pa pong bumalik, marami po akong obligasyon."
Gayunman, bukas si Michelle na magbigay ng testimonya kung masisiguro ng mga awtoridad ang kanyang kaligtasan at trabaho.