my journey amidst a stormy sea
by
, 07-06-2014 at 03:29 AM (2302 Views)
And once the storm is over,you wont remember how you made it through and how you managed to survive.You wont even be sure wether the storm is really over.But one thing is certain, when you come out of the storm,you wont be the same person who walked in".
Minsan sa buhay ko,isang matinding bagyo ang tumama sa akin.Bagyo na nagdulot ng isang napakalaking impact sa buhay ko.Isang karanasang nagpabago sa akin.Isang karanasang hinding hindi ko inakalang darating sa buhay ko.Buong akala ko,masaya na ako,buong akala ko kumpleto na ang buhay ko.Pero nagkamali ako.Dahil binigyan ako ng isang napakalaking pagsubok.Pagsubok na susukat sa aking tatag at pananampalataya.
Isa lang akong simpleng tao,ordinaryo lang akong maituturing.May simpleng buhay at simpleng pangarap.Naniniwala ako na ang kaligayahan ay matatagpuan mo kapag natuto kang makuntento sa kung anong meron ka.Bilang isang simpleng tao,simple lang din ang kaligayahan ko.Tatawa sa mga walang kwenta at maituturing na mababaw na bagay.Lahat naman ng tao nangangarap maging masaya at isa lang ako sa napakaraming iyon.
Pero hindi pala ganon kasimple ang buhay. HIndi pala laging masaya.HIndi porke't kuntento ka na eh payapa na ang lahat.May darating at darating na pagsubok.Sabi nga,we cant have a rainbow without a bit of a rain.Pero hindi rain ang dumating sa akin kundi isang bagyo,isang unos.Sinubok ang tatag at tibay ng aking pananampalaya.Sinubok ang lakas ng aking pagkatao,ng aking puso at isipan.
Maraming pagkakataong sumuko na ako.Nawalan na ako ng direksiyon,nawalan na ako ng pag-asa.Nawalan na ako ng ganang mabuhay.Hindi na mabilang ang mga araw at gabing iniluha ko.Hindi na masukat ang dami ng luhang pumatak sa mga mata ko.HIndi na mabilang ang gabing sinayang ko na sana ay natutulog ako ng mahimbing at hndi nagtatampisaw sa kakaiyak.Hindi na mabilang ang pagkakataong walang laman ang sikmura ko dahil wala akong ganang kumain at ayokong kumain.Marami ring pagkakataon na tinanong ko ang Panginoon kung bakit ako.Kung bakit ito nangyayari sa akin.
Sabi nila,matatag daw ako.Hndi totoo yon.Nakikita nilang nagpapakatatag ako pero hindi nila alam umiiyak ako pag mg isa na lng ako.Hindi nila alam kung anong sakit ang nararamdaman ko.Hindi nila alam na halos sumuko na ako.Hindi nila alam.
Pero salamat pa rin sa Panginoon,hindi pa rin nya ako lubusang pinabayaan.Alam kong ginabayan pa rin nya ako sa pagtahak ko sa madilim na landas.Alam kong nakikinig pa rin ang Diyos sa akin.Hindi nasayang ang mga panahong naglagi ako at nagkanlong sa kanyang tahanan.Sa mga panahong hindi ko alam kung saan ako pupunta,dinadala ako ng aking mga paa sa pinakamalapit na simbahan.Naranasan kong maglagi sa isang simbahan ng isang buong maghapon at wala akong ginawa kundi umiyak.At hinding hinding ko makakalimutan ang araw na iyon dahil iyon ay aking kaarawan.
Lahat ng kandado may nakalaang susi.Lahat ng problema may solusyon.Lahat ng pagsubok may katapusan.Pinanghawakan ko ang kasabihang hindi tayo bibigyan ng panginoon ng pagsubok na hindi natin kayang dalhin.Masakit man isipin,mahirap man dalhin pero wala akong magagawa kundi kayanin.Inaantay ko na lamang na matapos ang unos at sumikat ang araw kundi man lumabas ang bahaghari.
Hindi ko pa man nakikita ang bahaghari,pero balang araw lalabas din sya.Malamang maulap lang talaga ang kalangitan.HIndi pa tapos ang unos,marami pang darating.At sa bawat pagsubok na darating,alam kong mas matatag na ako.Pinagtibay ako ng karanasan,ng sakit at pagkabigo at hinugis ako ng mga pagsubok.
"When I look back in my life,I can see pain,mistakes and heartaches.But when I look in the mirror,I can see strength,learned lessons and pride in myself".